
Patay ang kambal na Grade 11 students na nakasakay sa motorsiklo matapos umanong mabangga ng isang van sa Nueva Vizcaya noong Lunes.
Nagluluksa ngayon ang pamilya Balagat sa pagkamatay ng 16-anyos na kambal na lalaki matapos ang aksidente sa Barangay Munguia.
Ayon sa ulat, tumakas ang driver ng van na nakabanggaan ng motorsiklo ng kambal at iniwan ang sasakyan sa lugar ng insidente.
Bagama't naisugod pa ang kambal sa ospital, hindi na sila nailigtas ng mga doktor.
KAMBAL, SASABAK SANA SA TRACK AND FIELD
Ayon sa ama ng kambal na si Armando Balagat, umuwi ang kanyang mga anak noong Lunes ng tanghali para kumuha ng mga gulay na babaunin nila sa isang sports competition.
Dahil sa kalayuan ng kanilang paaralan at kawalan ng pampasaherong sasakyan sa kanilang liblib na lugar, napipilitan ang kambal na magmotorsiklo, dagdag ng ama.
Masaya pa umano silang mag-aama noong magkita-kita bago ang insidente, kung saan ikinuwento ng kambal ang kanilang pagsali sa track-and-field competition. Nangyari ang aksidente habang pauwi sila sa paaralan.
Ilang aksidente sa kalsada, isinisisi sa concrete barriers
Hiling ng ama ng mga biktima na sumuko na ang driver ng van at panagutan ang kanyang kasalanan.
Ayon sa ulat ng Dupax del Norte police, nasa magkabilang direksyon ang motorsiklo at ang van. Paliko na sana ang van pakaliwa nang mangyari ang banggaan.
Bagama't nakilala na ng mga awtoridad ang driver ng van, patuloy pa rin siyang pinaghahanap ng pulisya.