Ang isang aso sa Barangay Lias, Marilao, Bulacan ay nasawi sa malupit na paraan matapos hampasin, kaladkarin, at sunugin ng isang lalaki nitong Biyernes. Ayon sa video na ibinahagi ni Avelina Reyes, makikitang tinatamaan ng sanga ng kahoy ang aso na si "Bruz".
Agad na nagsampa ng reklamo ang may-ari ng aso kasama si Reyes bilang eye witness, pero umatras rin sa huli. Mabuti na lang at lumapit sila sa Humane Philippines, isang grupo na tumutulong sa mga hayop. Ang organisasyon na mismo ang naging complainant laban sa suspek.
Sabi ni Tirzah Lim, presidente ng Humane Philippines, tinawagan niya ang Marilao Police Station sa gabi ng insidente para i-report ito. Nagsumite rin siya ng mga affidavit sa Provincial Prosecutor’s Office para tuloy ang kaso.
Paalala ni Lim: "Animal cruelty ay labag sa batas. Kung ayaw alagaan ang hayop, huwag silang saktan. Lahat ng nilikha ay may karapatang irespeto." Dagdag pa niya, dapat igalang ang mga hayop kahit hindi ito pag-aari.
Ayon kay PEMS. Noli Albis, dati nang nakulong ang suspek noong 2018 dahil sa droga at nakalaya noong 2021. Ngayon, nakadetine na ulit ito sa Marilao Police Station, at pinaalalahanan ang publiko na mas mahigpit na ang batas sa mga nang-aabuso ng hayop.