Isang police officer ang pumanaw matapos magka-aksidente habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo bandang 2:30 a.m. noong Linggo, Abril 27, malapit sa isang paaralan sa Gorordo Avenue sa Brgy. Kamputhaw, Cebu City.
Ang biktima ay nakilalang si Police Corporal Ridrid Ordiñeza Castañeda, 35 taong gulang, na nakatira sa Upper Pakigne Spring Village, Minglanilla, Cebu. Siya ay naka-assign sa Sawang Calero Police Station ng Cebu City Police Office (CCPO).
Ayon sa paunang imbestigasyon, pauwi na si Castañeda matapos dumalo sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng kanilang police station noong gabi ng Sabado. Pagdating sa lugar, nawalan siya ng kontrol sa motorsiklo dahil sa madulas na kalsada dulot ng ulan, kaya tumama ang kanyang motor sa isang puno sa gilid ng kalsada.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, na itapon si Castañeda mula sa motorsiklo at natanggal ang kanyang helmet. Dinala siya sa Cebu City Medical Center (CCMC) gamit ang ambulansya ng Brgy. Kamputhaw, ngunit pumanaw siya bago makarating sa ospital.