Humingi ng tawad si Russel Zapeda, ang suspek sa pagpatay kay Frince Ordeniza, sa pamilya ng biktima. Inamin niya na siya ang gunman sa insidente sa Cebu City noong April 14, habang papunta sa trabaho si Ordeniza sakay ng motorcycle taxi. Ayon kay Zapeda, inutusan siya ni Christopher Ian Maropoc kapalit ng P20,000.
Sa harap ng mga reporter, sinabi ni Zapeda na si Frince ang unang tao na kanyang napatay. Inamin din niya na sangkot siya sa apat pang ibang shooting incidents, pero walang napatay sa mga iyon. Sabi pa niya, malaki ang kanyang pagsisisi sa ginawa niya.
Kwento ni Zapeda, sinadya niya raw galawin ang cellphone ni Ordeniza para makita nang malinaw ang mukha nito bago niya ito binaril. Gumamit pa siya ng damit na kahawig ng uniporme ng isang ride-hailing app para hindi mahalata.
Matapos ang krimen, nagpalit ng damit si Zapeda, iniwan ang motor sa Barangay Mabolo, at sumakay sa isang SUV na minamaneho ni Maropoc. Nakilala si Zapeda sa pamamagitan ng CCTV footage at sa tulong ng mga saksi. Naaresto siya at nakuha mula sa kanya ang baril, damit, at mga sasakyan na ginamit sa krimen.
Hanggang ngayon, hinahanap pa rin ng mga pulis si Maropoc at isa pang kasabwat na nagsilbing lookout. Nakahanda na ang mga charges laban kay Zapeda, at sinabi ng mga pulis na solved na ang kaso.