Isang 55-anyos na jeepney driver ang nabaril at napatay habang nasa loob ng isang jeepney terminal sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo nitong Miyerkules ng madaling-araw. Sa CCTV, makikita ang isang lalaking naka-helmet at facemask na pumasok sa terminal. Nilapitan niya ang biktima at pinaputukan ng baril habang ito’y nakaupo at gamit ang cellphone.
Ayon sa Barangay Sta. Cruz, agad tumawag ng pulisya ang mga tao sa terminal matapos ang pamamaril. Rumesponde ang PNP at barangay safety officers sa insidente. Ayon sa paunang imbestigasyon, may dating alitan umano ang biktima at ang suspek.
Sa CCTV backtracking, nakita na ang suspek ay galing Masinag sakay ng motorsiklo kasama ang isang rider. Matapos ang pamamaril, tumakas sila pabalik sa Masinag. Sabi ng isang kasamahan ng biktima, wala itong kaaway at matagal na siyang jeepney driver sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at kasalukuyan ding isinasagawa ang manhunt operation para mahuli ang mga salarin.