Nasabat ng PDEA ang tinatayang ₱8.5 milyong halaga ng liquid cocaine mula sa isang Colombian national sa Brgy. San Antonio, Makati City noong Martes ng gabi. Isinagawa ito sa pamamagitan ng isang controlled delivery operation matapos maghinala sa laman ng isang package.
Ayon sa PDEA Central Luzon, kinilala ang suspek na si Santiago Francisco Amado Sopo, 32 anyos, na gumagamit ng alyas na ‘Antonio Cordero.’ Ang package ay nakuha noong Hunyo 21, 2024, sa Clark Port at agad na nagsagawa ng masusing operasyon upang mahuli ang tatanggap ng package.
Natagpuan sa suspek ang tatlong plastic bottles na naglalaman ng liquid cocaine, dalawang ID, at isang cellphone. Ang ilegal na droga ay itinago sa loob ng package mula Colombia, na agad nagdulot ng hinala sa inspection sa port.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 Section 4, na may kaugnayan sa importasyon ng delikadong droga.
Patuloy ang paalala ng PDEA sa publiko na maging mapagmatyag at i-report agad ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang paligid.