
“Peke ang pagiging pedestrian-friendly.”
Ito ang naging pahayag ng isang commuter na binahagi ng isang working professional sa LinkedIn tungkol sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig. Ayon sa kanya, mahaba ang lakaran sa ilalim ng init ng araw at walang sapat na lilim. Maninipis ang mga puno at hindi sapat ang mga halaman para makapagtago sa araw. Ang mga stoplight ay mas prayoridad ang mga sasakyan kaysa tao, kaya nahihirapan ang mga senior tumawid sa malalapad na kalsada.
Bagamat may mga parke sa BGC tulad ng Track 30th, sinabi ng nag-post na ito ay parang palamuti lang at hindi talaga para sa tao. Malalawak, mainit at walang lilim ang mga ito, kaya parang hindi ito panlipunan kundi pang-negosyo.
May nagsabi rin na madali lang mag-commute kung may sariling kotse o kaya’y kayang mag-book ng ride-hailing app. Pero para sa mga naglilinis, nagluluto, nagbabantay, at sumusuporta sa lungsod, mahaba at mainit ang lakaran papunta sa mga pampublikong sasakyan. Ayon sa kanya, ang disenyo ng lungsod ay tila mas para sa developers kaysa sa mga karaniwang tao.
Nag-viral ang post at umabot sa mahigit 3,000 na reactions, 369 na shares, at halos 200 na komento sa LinkedIn. Na-repost din ito sa Facebook group na “How’s your byahe, bes,” na nakaipon ng 1,400 likes, 1,100 shares, at 100 komento.
May isang netizen na nagbahagi ng karanasan sa isang opisyal mula sa developer ng BGC. Tinanong niya kung bakit hindi grid ang ayos ng mga kalsada gaya ng Manhattan. Ang sagot daw ng opisyal: “Mas maganda kasi tingnan mula sa itaas.” Tinanong din kung bakit walang focus sa public transport. Sagot: “Hindi sila ang target market namin. Lahat ng target naming market ay may sasakyan.”