
Mahigit 300 pamilya ang naapektuhan matapos ang malaking sunog sa Barangay 650, Port Area, Maynila kaninang madaling araw. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Manila, pasado alas-12 ng hatinggabi nagsimula ang apoy at mabilis na kumalat sa mga kabahayan.
Sa loob ng dalawampung minuto, itinaas agad sa Task Force Alpha ang insidente. Agad rumesponde ang mahigit 25 fire trucks mula sa BFP at tinulungan ng 100 fire volunteers. Mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay at magkakadikit ang mga ito.
Naging hamon sa mga bumbero ang makipot na daanan sa lugar. Hirap pumasok ang mga fire truck at naging mabagal ang suplay ng tubig dahil sa layo ng fire hydrant. Ayon kay Fire Senior Inspector Leslie Ramos, mahirap ang operasyon dahil sa masisikip na eskinita at kulang sa tubig.
Sabi ng BFP, nagsimula ang apoy sa ikaapat na palapag ng isang bahay. Isa sa mga residenteng naapektuhan, si Deedang Abdurahman, ay nawalan ng bahay at gamit. "Wala kaming nakuha. Kahit birth certificate ng mga anak ko naiwan," aniya.
Bago mag-alas-6 ng umaga, idineklara ang Fire Under Control. Patuloy ang imbestigasyon ng BFP-Manila para malaman ang sanhi ng sunog at kung may nasaktan o nasawi sa insidente.