Isang 61-anyos na Pinoy household worker ang namatay sa isang burglary incident sa Milan noong Linggo, ayon sa report mula sa Philippine Consulate General sa Milan nitong Lunes.
Base sa initial na report, ang Pinoy ay nasakal hanggang mamatay ng suspect na pumasok sa apartment ng kanyang Israeli employer malapit sa Parco Sempione. Nahuli ng Italian police ang suspect sa mismong lugar ng krimen.
Naglabas ng pahayag ang Philippine Consulate ngayong Lunes at sinabing sila ay nakikiramay sa pamilya ng biktima. Nangako rin silang tutulong, lalo na sa pag-uwi ng labi ng biktima sa Pilipinas.
Nakipagkita ang mga opisyal ng konsulado sa pamilya ng biktima para magbigay ng tulong. Hinihikayat din nila ang Filipino community sa Milan na magdasal para sa biktima.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente. Hindi pa inilalabas ang pangalan ng suspect habang sinusuri pa ang buong pangyayari.