
Isang 58-anyos na Chinese national ang nahuli ng pulis sa Dasmariñas City, Cavite, bandang 11:30 PM noong April 20. Sakay ng puting SUV, hindi siya tumigil kahit pinapara ng mga pulis kaya nauwi sa habulan. Sabi ng mga pulis, nagsimula ang insidente matapos niyang mabangga ang isang jeep sa GMA, Cavite.
Ayon sa saksi na si Renato, nag-aabang lang siya ng booking malapit sa isang fast food nang makita niya ang SUV na mabilis ang takbo. Aniya, hinarang na ito ng mga pulis pero tumakas pa rin at dumaan sa Molino at Salawag. Ilang minuto lang ay bumalik ang sasakyan at nagpatuloy ang habulan.
Umabot sa 7 kilometro ang itinakbo ng suspek bago ito bumangga sa center island sa Molino-Paliparan Road. Bago pa nito, nakabangga pa siya ng isang Toyota Rush. Ayon kay Police Captain Michelle Bastawang, doon na rin nahuli ang driver.
Sa imbestigasyon, lasing ang driver at wala siyang driver’s license. Ang passport lang niya ang ipinakita at ang SUV ay pag-aari pala ng kamag-anak niya. Ilegal din siyang nagmamaneho.
Walang nasaktan sa insidente. Nangako ang Chinese national na aayusin niya ang mga nasirang sasakyan at ari-arian. Kasalukuyang nasa kustodiya siya ng pulisya at kakasuhan ng Reckless Imprudence at paglabag sa RA 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Law).