
Tatlo ang patay at labing-anim ang sugatan matapos banggain ng isang multi-purpose vehicle (MPV) ang isang tricycle sa Barangay Alangilan, Bacolod City. Nangyari ang insidente nitong Biyernes Santo habang may nagaganap na prusisyon sa highway.
Ayon sa Bacolod City Police, paatras na pabalik sa unahan ng prusisyon ang tricycle nang biglang banggain ito ng MPV. Sa lakas ng tama, tumilapon ang tricycle at bumangga pa sa isang PNP patrol car.
Dahil sa impact, nasagasaan ang mga tao sa unahan ng prusisyon, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo at pagkasugat ng iba pa.
Lumabas sa alcohol test na positibo sa alak ang driver ng MPV. Pero itinanggi ito ng driver, ayon sa report ng mga pulis.
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente para matukoy ang buong detalye at pananagutan ng sangkot sa insidente.