
Trigger Warning: Ang artikulong ito ay may banggit ng suicide.
Pumanaw si Nicky Katt, ang aktor na gumanap bilang Clint Bruno sa sikat na pelikulang Dazed and Confused, sa edad na 54. Ayon sa ulat ng TMZ, natagpuan siyang wala nang buhay sa kanyang tahanan sa Los Angeles noong April 8. Ang kanyang landlord ang unang nakakita sa kanya.
Ayon sa PEOPLE Magazine, kinumpirma ng tagapagsalita ng Los Angeles Police Department na si Katt ay nagpakamatay. Sa pahayag ng kanyang kapatid na si Elise Ravenscroft sa Deadline, sinabi nitong matagal na raw nilabanan ni Katt ang kanyang depression nang tahimik at buong tapang.
“Ang sakit na ito ay hindi dapat dinaranas ng kahit sinong pamilya, pero maraming nakakaramdam nito,” ani Elise. Dagdag pa niya, “Ang mental illness ay totoo, malakas, at madalas ay hindi nakikita. Sana ay makatulong kaming mabasag ang katahimikan at stigma sa usaping mental health.”
Bukod sa Dazed and Confused, lumabas din si Katt sa iba pang pelikula at TV shows tulad ng Boston Public, Boiler Room, School of Rock, Friends, at A Time to Kill. Huli siyang napanood noong 2018 sa isang episode ng Hulu show na Casual.
Nagpakasal si Katt kay Annie Morse noong 1999, ngunit naghiwalay sila noong 2001, ayon sa TMZ.
Kung ikaw o may kakilala kang nahihirapan sa mental health, huwag mag-atubiling tumawag sa National Mental Health Crisis Hotline sa 1553 (Luzon-wide, toll-free sa landline), 09178998727 (Globe/TM), o 09190571553 (Smart).