
Nakakabahala ang pagkamatay ng dalawang Grade 8 students sa Las Piñas dahil sa pananaksak ng kanilang mga schoolmates. Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ito ay isang seryosong babala at senyales na may krisis na sa ating mga kabataan.
“Kapag karahasan na ang nagiging way ng kabataan para maglabas ng sama ng loob, ibig sabihin may kulang tayo sa pagpapalaki ng bagong henerasyon. Wala na bang disiplina at respeto?” sabi ng senador. Dagdag pa niya, dapat tayong mag-alala sa kung anong klaseng kinabukasan ang hinuhubog natin.
Hinikayat ni Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga programa para maturuan ang kabataan kung paano maging responsableng mamamayan.
Ayon sa pulisya, ang dalawang biktima ay sinaksak ng kanilang mga kaklase malapit sa Captain Albert Aguilar National High School noong Biyernes. Sabi ni Col. Sandro Jay Tafalla ng Las Piñas Police, may dati nang alitan ang mga biktima at mga suspek.