Pumanaw na ang Australian model na si Lucy Markovic, 27 taong gulang. Kilala si Lucy bilang runner-up sa Season 9 ng Australia’s Next Top Model. Nakilala rin siya sa mga runway at ad campaigns para sa Versace, Dolce & Gabbana, Bulgari, Givenchy, at iba pa.
Sa official post ng kanyang agency sa Instagram, inilarawan siya bilang isang "bright shining light" na may dry sense of humor. Anila, “Ang ngiti at tawa niya ay kayang punuin ang isang kwarto. She really loved to dance and shine.” Dagdag pa nila, malaking karangalan ang naging parte sila ng kanyang modeling journey.
Ibinahagi rin ng agency na si Lucy ay may matagal nang iniindang sakit: isang rare na kondisyon na tinatawag na brain arteriovenous malformation (AVM). Ayon sa Mayo Clinic, ito ay isang tangle ng blood vessels sa utak na pwedeng magdulot ng stroke o brain damage.
Ilang linggo bago siya pumanaw, nag-post si Lucy ng isang larawan sa ospital (na ngayon ay deleted na) kung saan sinabi niyang siya ay sasailalim sa surgery para sa AVM. Ang caption niya: "Full flood of emotions in this time. Life's a journey and I'm ready for the next chapter." Ibinunyag din niya na apat na taon na siyang may ganitong sakit.
Maliban sa modeling, pinahanga rin niya ang lahat sa kanyang tapang at sigla sa buhay, kahit pa may dinadala siyang sakit. Sa ngayon, patuloy ang pakikiramay ng buong fashion industry at kanyang fans sa kanyang pamilya at mga kaibigan.