Isang babae ang natagpuang patay sa loob ng closet ng isang resort room sa Key Largo, Florida nitong Abril 8. Nakilala ang biktima na si Nadyne Marie Tillman, 43 anyos. Ayon sa mga pulis, siya ay may mga sugat na tila bunga ng pambubugbog.
Nalaman na noong Abril 5, nagkakilala si Tillman at si Dylan Lamb, 33 anyos, isang tour guide, sa resort na tinutuluyan nito. Tumanggi si Lamb na lumipat ng kwarto kahit may bagong guests na darating. Nag-check out siya noong Abril 6, at naiwan sa kwarto ang madugong bedsheet na nilagay pa sa garbage bags ng mga housekeepers — pero hindi ito ini-report sa pulis.
Habang hinahanap si Tillman ng kanyang pamilya, may ibang guests na nag-stay sa parehong kwarto nang hindi alam na may bangkay pala sa loob ng aircon closet. Sa bandang huli, doon na natagpuan ang katawan ni Tillman, na tinago sa maliit na crawl space.
Naaresto si Lamb at nahaharap ngayon sa mga kasong second-degree murder, kidnapping, evidence tampering, at prostitution-related charges.
Ayon sa Sheriff, tuloy pa rin ang imbestigasyon pero wala pang indikasyon na may iba pang sangkot sa krimen.