
Tatlong lalaki ang naaresto sa Pasay City matapos mahuling nagsusugal habang nagpapatrolya ang mga pulis sa Barangay 201, madaling araw noong Abril 9, 2025. Ayon kay Police Major Geo Colibao, isang concerned citizen ang nagreport ng ilegal na aktibidad kaya agad na nirespondehan ng Villamor Sub-station 9.
Sa aktwal na paghuli, nahuli sa akto ang tatlo na naglalaro ng cara y cruz. Sa body search, nakuha sa 22-anyos na lalaki ang isang kalibre .38 baril na may bala, habang ang dalawa pang suspek na parehong 40-anyos ay nahulihan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.28 gramo.
Nakuha rin ng pulisya ang tatlong pisong ginamit sa sugal at 500 pesos na pantaya. Ayon sa imbestigasyon, may dati nang kaso ng droga ang dalawang mas matatandang suspek. Inamin din nila na ginagamit nila ang shabu, habang tumanggi naman magbigay ng pahayag ang 22-anyos.
Ang mga suspek ay kasalukuyang naka-detain sa Kalayaan Outpost sa Barangay 201. Nahaharap sila ngayon sa ilang kaso tulad ng Illegal Possession of Firearms, Illegal Gambling, at paglabag sa Dangerous Drugs Act.
Paalala ng pulisya lalo na ngayong malapit na ang halalan, tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa krimen at ilegal na gawain. Babala nila sa mga gustong gumawa ng masama: "Nandito lang kami sa paligid."