Isang matinding trahedya ang yumanig sa Dominican Republic matapos gumuho ang bubong ng isang sikat na nightclub sa Santo Domingo habang tumutugtog ang kilalang merengue singer na si Rubby Perez. Nangyari ang insidente sa Jet Set nightclub noong April 8 habang punung-puno ito ng tao. Sa ngayon, mahigit 120 ang kumpirmadong patay, kasama na si Perez at dalawang dating Major League Baseball players, sina Octavio Dotel at Tony Blanco.
Ayon sa mga nakasaksi, nagsimula ang gulo matapos magkaroon ng blackout, at saka bumigay ang bubong ng club. Si Zulinka Perez, anak ni Rubby, ay nakaligtas matapos tumakbo palabas, pero hindi na nakalabas ang kanyang ama. Isa rin sa mga nasawi ay ang governor ng Monte Cristi, si Nelsy Cruz. Dahil dito, nagdeklara ng tatlong araw ng national mourning ang Presidente ng bansa.


Umabot sa 500 hanggang 1,000 tao ang nasa loob ng club nang maganap ang trahedya. Mabilis ang naging kilos ng mga rescue teams, na may tulong pa mula sa Puerto Rico at Israel. Gumamit sila ng crane para alisin ang mga debris at hanapin ang posibleng survivors, pero ayon sa Emergency Operations Center, wala nang natagpuang buhay simula pa noong alas-3 ng hapon, April 8.
Nagtipon-tipon ang mga kamag-anak sa paligid ng lugar at sa mga ospital habang umaasang makakatanggap ng balita sa mga nawawala nilang mahal sa buhay. Ayon sa isang testigo, parang lindol o tsunami raw ang impact ng pagbagsak. Sa gitna ng lungkot, naglabas ng tribute ang mga artist para kay Rubby Perez, kasama na sina Wilfrido Vargas at Olga Tanon.

Ang Jet Set Club ay nasa operasyon ng mahigit 50 taon, kilala sa kanilang Monday night concerts. Sa huling post nito sa Instagram bago ang insidente, iniimbitahan pa ang mga fans na sumayaw at makisaya. Ngayon, nakipag-ugnayan na ito sa mga awtoridad at sinabing tutulungan nila nang buo at tapat ang imbestigasyon.