
Nag-erupt ang Kanlaon Volcano nitong Martes ng umaga at nagbuga ito ng ash plume na umabot sa 4,000 meters sa ere. Ayon sa PHIVOLCS, nagsimula ang pagsabog bandang 5:51 AM sa summit vent ng bulkan.
Ayon pa sa ahensya, patuloy na bumubuga ang bulkan ng makapal na usok na umaabot sa 4 na kilometro taas at tinatangay ito ng hangin papunta sa southwest na direksyon.
Nag-viral sa social media ang mga video na nagpapakita ng malawak at makapal na usok na tumataas mula sa bulkan. Kita rin sa video kung gaano kadilim ang paligid sa mga apektadong lugar.
Sinabi ni Mayor Rhummyla Mangilimutan ng La Castellana, Negros Occidental na may ash fall sa mga barangay ng Mansalanao at Sag-Ang. Apektado rin ang direksyon papunta sa La Carlota dahil sa makapal na usok. “Super dilim na ‘yung papuntang La Carlota,” dagdag niya.
Kanselado ang klase sa buong bayan at naka-alerto na ang emergency teams. Ayon sa mayor, may humigit-kumulang 1,300 residente na ang lumikas at nananatili ngayon sa evacuation centers para sa kanilang kaligtasan.