Ayon kay Senador Raffy Tulfo, higit sa 200,000 Filipinos sa Taiwan ang mayroong shelters na maaaring pagtaguan sakaling magkaroon ng atake mula sa China. Ayon kay Tulfo, na namumuno sa Senate Committee on Migrant Workers, nakuha niya ang impormasyong ito mula kay Cheloy Garafil, ang chairperson at resident representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan.
Ayon sa report, ipinadala ng China ang kanilang army, navy, air, at rocket forces sa paligid ng Taiwan para magsagawa ng drills na sinasabing layunin ng Beijing ay maghanda para sa isang blockade ng isla. Ang Taiwan ay humiwalay mula sa China noong 1949 matapos sakupin ng mga komunista ang mainland China sa pamumuno ni Mao Zedong.
Sinabi ni Tulfo na ayon kay Garafil, mayroong 80,000 shelters sa Taiwan na kayang tumanggap ng hanggang 40 milyong tao—mas marami pa kaysa sa kabuuang populasyon ng Taiwan na 23 milyon at higit sa 200,000 Filipino, kabilang na ang mga migrant workers, professionals, at mga estudyante.
Inassure ni Garafil na ang mga shelters ay matatagpuan sa iba't ibang bahagi ng Taiwan at mayroong online application kung saan maaaring makita ng mga tao ang pinakamalapit na shelter. Dagdag pa ni Garafil, na-identify na ang mga exit points at handa ang lahat ng transportation para magsagawa ng evacuation at dalhin ang mga Pilipino pabalik sa Pilipinas.
Noong Abril 1, sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner na ang mga sundalo sa northern frontier ng Pilipinas ay dapat maghanda sakaling magkaroon ng invasion sa Taiwan. "Kami ang magsasagawa ng rescue sa kanila—at ito ang magiging trabaho ng Northern Luzon Command," ani Brawner.