Dalawang lalaki ang nagkainitan at nauwi sa suntukan sa Sumulong Highway sa Antipolo, Rizal nitong Huwebes. Sa isang video na kuha ng netizen, makikita ang isang rider na hinila ang driver ng e-trike palabas ng sasakyan at itinulak sa pader bago sila nagbugbugan.
Ayon kay Henessy Solomon, isang saksi, “Papasok na po ako sa trabaho, tapos traffic sa pababa ng Fatima. Yung e-trike paalis na sana pero nadanggil yata yung motor. Bigla pong bumaba yung rider at sinuntok yung driver ng e-trike.”
Sa video, may isa pang rider na lumapit para umawat sa gulo. Mabuti na lang at may sumubok pumigil, kahit tense na talaga ang sitwasyon.
Sabi ni Solomon, nababahala na siya sa mga sunod-sunod na road rage incidents sa lugar. “Nakakatakot kasi baka madamay kami bigla, lalo na kung nagbibiyahe lang kami ng maayos,” dagdag niya.
Ayon kay PLtCol. Ryan Manongdo ng Antipolo Police, hindi na nagtuloy sa formal complaint ang mga sangkot kasi nagkaayos na raw sila. Pero nagpaalala pa rin ang pulisya na maghinay-hinay sa galit lalo na sa daan: “Wag sabayan ang init ng panahon sa init ng ulo.”