
Labindalawang Chinese national ang hinuli ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos nilang salakayin ang tatlong bahay sa Ayala Alabang, Muntinlupa.
Nagsimula ang raid mula 10 p.m. ng Lunes hanggang 6 a.m. kinabukasan. Ipinatupad ito base sa search warrant na inilabas ni Judge Liezel Aquitan ng Muntinlupa Regional Trial Court.
Sa 213 Mango Street, nakuha ang 5 baril, dalawa rito ay may binurang serial number, kasama ang mga bala at gun accessories.
Sa 100 Dayap Street, nakasamsam ng 4 baril, isa rito ay nakuha sa Cadillac Escalade, kasama ng bulletproof vest. May isa pang baril na nakita sa Toyota Grandia Elite.
Sa 102 Dayap Street, isang baril at tactical knife ang nakumpiska.
Bukod dito, 4 na sasakyan ang kinumpiska dahil walang naipakitang dokumento.
Ang mga Filipino drivers na nagtatrabaho para sa mga Chinese ay kinuha para imbestigahan pero pinakawalan din sa kustodiya ng kanilang abogado.
Kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa laban sa mga hinuli.