Pumanaw na ang 52-anyos na rider na biktima ng pamamaril sa Antipolo, Rizal noong Linggo. Ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, tinamaan ito sa ulo, naging kritikal, at tuluyang binawian ng buhay nitong Lunes.
Naganap ang insidente sa Marcos Highway, Barangay San Jose, matapos ang mainitang sagutan sa pagitan ng mga rider at isang itim na SUV. Apat ang sugatan sa insidente, kabilang ang kasamang babae ng suspek sa sasakyan.
Dahil sa pagkamatay ng biktima, murder na ang ikakaso laban sa suspek, kasama ang dalawang counts ng frustrated murder. Bukod dito, haharap din ito sa kaso ng paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa dala nitong baril sa panahon ng gun ban.
Nagpaalala ang mga awtoridad na iwasan ang init ng ulo sa kalsada upang maiwasan ang ganitong trahedya.