
Patay ang isang 64-anyos na babae matapos siyang barilin nang malapitan habang naglalakad sa Barangay Western Bicutan noong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Police Captain Dennis Desalisa ng Taguig Police, galing sa barangay hall ang biktima para magpa-blotter dahil may natatanggap siyang banta sa buhay.
Habang pauwi, binaril siya sa ulo. Dinala pa siya sa ospital, pero hindi na siya naisalba.
"May death threats siyang natanggap. Posibleng may kinalaman ito sa utang, dahil nagpapautang rin siya," ayon kay Desalisa.
Sa CCTV footage, makikitang naglalakad ang biktima kasama ang isang babae nang lapitan siya ng gunman at barilin. Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo, kasunod ang kasabwat nito sa isa pang motor.
Sa follow-up operation, narekober ng pulisya ang motorsiklo ng gunman. Natukoy na rin ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek, at inaayos na ang pagsampa ng kaso laban sa kanila.
"Alam na namin kung sino ang suspek. For filing na ang kaso, at hinahabol pa rin namin siya," dagdag ni Desalisa.