Isang mainit na alitan sa kalsada sa Antipolo City nitong Linggo ng hapon ang nauwi sa pamamaril, kung saan tatlong tao ang sugatan. Agad namang nahuli ang suspek matapos ang isang hot pursuit operation ng pulisya.
Ayon sa Antipolo Police, nangyari ang insidente bandang 5 p.m. sa may Barangay San Jose, Marcos Highway.
Mga biktima:
Peter (52-anyos, negosyante) – Tama ng bala sa ulo
Patrick (22-anyos, estudyante) – Tinamaan sa kanang braso
Davis (29-anyos) – Tinamaan sa kanang dibdib habang inaawat ang gulo
Lahat ng sugatan ay agad na isinugod sa Cabading Hospital para sa gamutan.
Ang suspek, si "Kenneth" (28-anyos, negosyante), ay nagtangkang tumakas gamit ang kanyang black Toyota Fortuner pero naharang sa checkpoint sa Masinag, Barangay Mayamot, Antipolo City.
Ayon kay Police Lt. Col. Ryan Lopez Manongdo, naghahanap pa rin ng karagdagang saksi ang pulisya para sa mas detalyadong imbestigasyon.
Samantala, sinabi ni Rizal Provincial Police Director Police Col. Felipe Maraggun na walang pahintulot ang suspek na magdala ng baril dahil sa ipinatutupad na nationwide election gun ban.
Patuloy pa ring inaalam ang ugat ng away sa kalsada. Ayon sa pulisya, posibleng nagkarambulan o nagkapisikalan sa paggamit ng kalsada kaya nauwi sa pamamaril.