
Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang limang Chinese nationals na nasa blacklist bilang POGO workers sa Zamboanga International Airport noong Marso 22.
Sa isang joint operation ng BI Intelligence Division at Fugitive Search Unit, nahuli sina Ying Guanzhen (31), Yang Jinlong (29), Liu Xin (28), Shen Kan (36), at Luo Honglin (27).
Ayon sa BI, dalawa sa kanila ay wanted sa China, habang ang tatlo ay may dating koneksyon sa Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinalakay dahil sa ilegal na aktibidad.
Natanggap ng BI ang impormasyon na ang grupo ay nagtangkang tumakas gamit ang isang backdoor exit route mula Tawi-Tawi papuntang Sabah, Malaysia, sakay ng isang bangka na may kasamang transporter para makaiwas sa mga awtoridad.
Pero naharang sila ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos magkaaberya ang makina ng kanilang bangka malapit sa Languyan Island, Tawi-Tawi.