
Limang katao, kabilang ang isang Australian national, ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cebu nitong Marso. Nasamsam mula sa kanila ang iba’t ibang halaga ng shabu at drug paraphernalia.
Unang operasyon noong Marso 14 sa Barangay Duljo-Fatima, Cebu City, kung saan nahuli sina Rhey Lalaine Basera, Andrew Cleos Estano, at Johannes Cabarrubias. Nasamsam mula sa kanila ang P10,000 halaga ng shabu. Ang pangunahing target na si Felipe Sano Pateres ay nakatakas, ngunit patuloy pa rin ang paghahanap sa kanya ng mga awtoridad.
Sa pangalawang operasyon noong Marso 18, nahuli si Tony Ristanovski, isang 54-anyos na Australian national na nakatira sa Barangay Basak-San Nicolas. Ayon sa NBI, ginagamit ang kanyang apartment sa pagbebenta ng ilegal na droga. Nakumpiska mula sa kanya ang P2,000 halaga ng shabu at iba pang drug paraphernalia.
Huling operasyon noong Marso 19 sa Tintay Terminal, Talamban, Cebu City, kung saan nahuli si John Codiniera Bulat-ag, na mas kilala sa tawag na "Taya." Nakuha sa kanya ang P45,000 halaga ng shabu.