Isang korte sa India ang nagdesisyon na ang panonood ng porn ng isang babae ay hindi sapat na dahilan para sa diborsyo. Ayon sa Madras High Court, ang mga babae ay may sariling karapatan sa kanilang katawan at hindi nawawala ang kanilang sekswal na kalayaan kahit sila ay may asawa na.
Isang lalaki ang naghain ng diborsyo matapos niyang akusahan ang kanyang asawa ng panonood ng porn at madalas na pagmamasturbate. Ayon sa kanya, ito ay isang uri ng pang-aabuso na nagdulot ng problema sa kanilang relasyon. Ngunit hindi ito sinang-ayunan ng korte at sinabing, “Ang self-pleasure ay hindi bawal.”
Dagdag pa ng Madras High Court, kung normal sa mga lalaki ang pagmamasturbate, hindi dapat ito maliitin o husgahan kapag babae ang gumagawa nito. Binigyang-diin din ng korte na ang isang babae ay may sariling pagkatao kahit kasal na at hindi lang dapat nakapako sa pagiging asawa o ina.
Bagama’t inamin ng korte na hindi maganda ang labis na panonood ng porn, iginiit nito na hindi ito sapat na batayan para sa diborsyo. Ang desisyong ito ay naglalayong basagin ang stigma tungkol sa sekswalidad ng kababaihan sa India, kung saan bihirang pag-usapan ang ganitong mga isyu.