
Arestado ang isang 26-anyos na babae sa Cotabato City matapos mahuling nag-aalok ng dental braces nang walang lisensya. Ayon kay Police Lt. Wallen Mae Arancillo ng PNP Anti-Cybercrime Group, na-trap ang suspek na kinilalang “Jaja” sa isang entrampment operation noong Marso 12.
Natuklasan ng Regional Anti-Cyber Crime Unit – Bangsamoro Autonomous Region (RACU-BAR) ang kanyang Facebook post kung saan nagpakilala siyang dentista at nag-aalok ng braces installation sa halagang P1,000, kasama ang materiales, labor, at cleaning. Nang kumpirmahin ng Philippine Dental Association, nalaman nilang wala siyang lisensya para sa ganitong serbisyo.
Nahuli si "Jaja" matapos niyang subukang ikabit ang braces sa isang undercover police asset sa loob ng kanyang bahay. Nabatid din na hindi siya gumagamit ng tamang sterilization equipment, kundi simpleng mainit na tubig lang upang linisin ang kanyang mga gamit. Ayon sa pulisya, hindi ito ligtas at maaaring magdulot ng impeksyon sa mga pasyente.
Ayon sa World Health Organization (WHO), may kakulangan ng propesyonal na dentista sa Pilipinas, kaya maraming tao ang naghahanap ng murang dental services. Gayunpaman, pinaalalahanan ng PNP-ACG ang publiko na mag-ingat sa mga serbisyong "too good to be true", dahil mas malaki ang maaaring gastusin kung magkaroon ng komplikasyon sa ngipin.