Isang SUV ang tumagilid sa North Luzon Expressway (NLEX) sa northbound lane nitong Biyernes ng madaling araw. Dahil dito, nagtamo ng galos sa kamay ang 48-anyos na driver.
Ayon sa kanya, pauwi na siya sa Meycauayan, Bulacan nang biglang huminto ang SUV na sinusundan niya.
"Biglang nagpreno ‘yung nasa unahan ko. Hindi ko alam kung liliko siya sa kanan, kaya umiwas ako pero huli na."
Dahil sa pag-iwas, napakabig siya at nagpreno nang malakas, dahilan para tumagilid ang kanyang sasakyan at masira ito nang husto.
Buti na lang, may ilang rider na tumulong sa kanya para makalabas. Dumating din agad ang ambulansya para gamutin siya.
"Konting galos lang, pero okay naman ako. Ang problema, wala na rin ‘yung SUV na sinundan ko."