Tatlo ang nasawi sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa R.A. Reyes St., Tondo, Manila noong Huwebes ng hapon, Marso 20.
Ayon sa Manila Fire District, nagsimula ang apoy sa pangalawang palapag ng isang bahay. Kasalukuyan pa nilang inaalam ang eksaktong sanhi ng sunog.
Kabilang sa mga nasawi ay dalawang senior citizen na mag-asawa at ang kanilang 45-anyos na anak na lalaki. Apat naman ang nasugatan — tatlong fire volunteers at isang sibilyan.
Ang sunog ay umabot sa ikalawang alarma, kung saan walong bahay na gawa sa light materials ang nadamay. Sa tulong ng mahigit 35 na firetrucks, naapula ito bandang alas-3 ng hapon.