Isang 15-anyos na binatilyo ang sugatan matapos siyang saksakin at tangayin ang kanyang motorsiklo ng dalawang suspek sa Barangay Kaypian, San Jose Del Monte, Bulacan noong Martes ng gabi.
Ayon sa CCTV footage, sinundan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo ang biktima na sakay rin ng sariling motorsiklo. Sa isang madilim na bahagi ng kalsada, bumaba ang isa sa mga suspek at sinaksak ang biktima bago sapilitang tangayin ang motorsiklo nito.
Ayon kay PCpl. Jayson Galit, duty investigator ng San Jose Del Monte Police, sinimulang sundan ng mga suspek ang biktima matapos itong mag-cash out sa isang convenience store.
Dinala agad sa ospital ang biktima na nagtamo ng saksak sa tagiliran. Ayon sa kanyang ina, patuloy na nakararanas ng trauma ang binatilyo, nahihirapang matulog at patuloy na natatakot dahil sa alaala ng insidente.