Isang 15-anyos na estudyante mula sa Cebu City ang nahuli sa isang buy-bust operation noong Martes ng gabi, Marso 18, 2025. Natagpuan sa kaniya ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Ayon sa mga pulis, isinagawa ng Special Drug Enforcement Unit ng Mambaling Police Station ang operasyon sa Sitio Puntod, Brgy. Mambaling bandang alas-9:10 ng gabi. Nang madakip ang target, nadiskubre nilang ito ay menor de edad na nasa Grade 8 pa lamang.
Ang naturang menor de edad ay itinuturing na high-value individual (HVI) dahil sa lawak ng kaniyang transaksyon sa ilegal na droga. Sa ngayon, siya ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Services (DSWS) habang hinihintay ang pag-isyu ng certificate of discernment upang matukoy kung nauunawaan niya ang bigat ng kanyang ginawa.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin kung sino ang source ng droga ng naturang menor de edad. Ayon kay Police Lieutenant Colonel Maria Theresa Macatangay, nakakabahala ang aktibong partisipasyon ng bata sa bentahan ng droga sa kabila ng murang edad nito.