
Dumarami ang mga marahas na pag-atake sa mga pasilidad ng Tesla sa loob at labas ng U.S. Target ng mga ito ang Tesla dealerships, Cybertrucks, at mga charging stations. Gumamit ng mga Molotov cocktails, bala, at iba pang paraan ng paninira ang mga umaatake. Sa kabutihang palad, wala pang naiulat na nasaktan.
Ayon sa mga ulat, lumakas ang mga pag-atake sa Tesla mula nang maging bahagi si Elon Musk ng administrasyon ni Donald Trump bilang pinuno ng Department of Government Efficiency. Ayon kay Randy Blazak, isang eksperto sa political violence, “Madaling target ang Tesla dahil nasa mga kalsada ito at may mga tindahan sa ating mga lugar.”
Ilan sa mga pinakakilalang insidente ay naganap sa Colorado, kung saan isang babae ang kinasuhan matapos magtapon ng Molotov cocktails at mag-vandal ng salitang "Nazi cars." Sa Seattle, apat na Cybertrucks ang sinunog sa isang Tesla lot, habang sa Las Vegas, ilang Tesla vehicles ang sinunog at nilagyan ng salitang "resist" gamit ang pulang pintura.
Ayon kay Elon Musk, posibleng may mga organisasyon ng kaliwa na nasa likod ng mga pag-atake. “Insane at mali ang antas ng karahasang ito. Gumagawa lang ng electric cars ang Tesla at wala itong ginawang masama para tratuhin ng ganito,” ani Musk sa kanyang post sa X.