
Inilibing na ang dalawang Philippine Air Force (PAF) pilots na nasawi matapos bumagsak ang kanilang FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong Marso 4, ayon sa PAF noong Martes.
Si Major Jude Salang-oy ay inilibing sa Tabuk City, Kalinga noong Marso 15, habang si First Lieutenant April John Dadulla ay inilibing sa Cagayan de Oro noong Marso 17.
Ayon kay Major Joseph Richard Calma,
"Ang PAF ay nakikiisa sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay sa kanilang pagdadalamhati. Ang kanilang dedikasyon, katapangan, at pagsasakripisyo ay mananatiling inspirasyon sa ating mga sundalo at sa buong bansa."
Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng PAF sa insidente.
Ang flight data recorder ng bumagsak na FA-50 jet ay ipinadala na sa United States para sa data extraction at pagsusuri. Sa pamamagitan nito, malalaman ang mga detalye tulad ng altitude, airspeed, at flight path upang matukoy kung ano ang mga problemang kinaharap ng mga piloto.
Kasama rin sa imbestigasyon ang Korea Aerospace Industries (KAI), tagagawa ng naturang sasakyang panghimpapawid.
"Nananatiling committed ang PAF sa pagiging transparent at maingat sa imbestigasyong ito," dagdag ni Calma.
Ang FA-50 jet na may tail number “002” ay bumagsak sa Mount Kalatungan sa Bukidnon noong hatinggabi ng Marso 4 habang nagbibigay ito ng close air support sa mga tropa sa lupa na nagsasagawa ng operasyon laban sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Iba, Cabanglasan town.
Natagpuan ang wreckage ng eroplano at mga katawan nina Salang-oy at Dadulla kinabukasan.