Dalawang gunrunner ang napatay sa isang engkwentro sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur noong Martes ng umaga, Marso 18.
Kinilala ang mga nasawi na sina Norsalam Ulama at Norsama Muntok, na kapwa napatay agad matapos tamaan ng maraming bala sa engkwentrong sila umano ang nagpasimula, ayon kay Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Ayon sa mga lokal na opisyal at imbestigador, sina Ulama at Muntok ay nagpaputok sa mga sundalo ng 33rd Infantry Battalion nang subukan silang pigilan sa isang checkpoint sa Purok 1, Barangay Old Maganoy, para sa karaniwang inspeksyon.
Lumabas sa imbestigasyon na papunta umano ang dalawa para mag-deliver ng isang M16 assault rifle at isang .45 caliber pistol sa kanilang buyer sa Datu Abdullah Sangki.
Nasa pangangalaga na ngayon ng Datu Abdullah Sangki Municipal Police Station ang mga nakumpiskang armas.