Isang 30-anyos na lalaki ang inaresto sa Tondo, Maynila matapos nitong i-hostage ang kanyang nakababatang kapatid sa kahabaan ng C.M. Recto Avenue noong hapon ng Lunes, March 17, 2025.
Sa kuhang video ng isang bystander, makikitang hinahawakan ng suspek ang shorts ng kanyang kapatid habang may kutsilyo sa kamay.
Ayon sa Moriones-Tondo Police, nag-away ang magkapatid matapos tumanggi ang biktima na ihatid ang kanyang kuya sa kanilang tiyuhin sa Quiapo. Dahil dito, hinila ng suspek ang kanyang kapatid at naglabas ng patalim.
Tumagal ng 30 minuto ang insidente bago sumuko ang suspek matapos hilingin na makita ang kanyang ina.
Walang nasaktan sa insidente, at ligtas na napakawalan ang batang kapatid.
Napag-alaman na dati nang nakulong ang suspek dahil sa iba’t ibang kaso, kabilang na ang paggamit ng ilegal na droga.
Nagpahayag naman ng pagsisisi ang suspek sa kanyang ginawa.
“Humihingi po ako ng pasensya sa aking kapatid at nanay. Pasensya na po,” saad ng suspek.