
Nagbigay ng babala ang Bureau of Immigration (BI) tungkol sa dumadaming kaso ng mga Pilipinong nabibiktima ng human trafficking na lumalabas ng bansa gamit ang backdoor routes para magtrabaho sa mga "POGO-like" na kumpanya sa ibang bansa.
Ito ay matapos magpauwi ng tatlong Pilipinong trafficking victims ang gobyerno ng Pilipinas noong March 16 mula sa Phnom Penh, Cambodia. Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, naloko raw ang mga ito na magtrabaho bilang love scammers.
Ayon sa BI, humingi raw ng tulong ang mga biktima sa Philippine embassy matapos silang makaranas ng pang-aabuso at pahirap mula sa kanilang mga amo sa loob ng mahigit dalawang buwan.
Pagdating nila sa Pilipinas, tinulungan sila ng National Bureau of Investigation (NBI) na agad nagsagawa ng imbestigasyon laban sa kanilang mga recruiter.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na wala silang official exit records. Kwento ng mga biktima, umalis sila sa Pilipinas sa pamamagitan ng illegal na ruta, sumakay ng maliit na bangka mula sa Jolo, Sulu papuntang Sabah, Malaysia.
Pagdating sa Sabah, sinabi ng BI na ang kanilang mga passport ay mayroong pekeng Philippine departure stamp. Mula Sabah, bumiyahe pa sila papuntang Kuala Lumpur, sumakay ng eroplano papuntang Bangkok, Thailand, hanggang sa makarating sa kanilang destinasyon sa Cambodia.
Kinumpirma ng dokumento laboratory ng BI na peke nga ang BI departure stamps sa kanilang mga passport.
Ayon pa sa BI, nirecruit daw ang mga ito sa pamamagitan ng Facebook ng isang kapwa Pilipino na nangakong may Customer Service Representative na trabaho sa Cambodia na may sahod na USD 1,000 kada buwan. Pero nang dumating sila sa Cambodia, sinanay sila para maging love scammers at binayaran lang ng USD 300.
Dahil sa maliit na sahod, sinubukan nilang maghanap ng ibang trabaho pero sinaktan daw sila ng kanilang Chinese employer, kinuha ang kanilang mga cellphone, at iniwan sila sa isang lugar na hindi nila kilala.
Patuloy na paiigtingin ng BI ang kanilang mga border security measures, pero ayon kay Viado, kailangan ng mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad para mapigilan ang mga illegal na pag-alis ng bansa.
“Kailangan nating magtulungan dahil dapat pa nating palakasin ang ating mga hakbang para pigilan ang illegal na pag-alis ng bansa. Ginagamit ng mga trafficker ang mga illegal na ruta para makaiwas sa immigration, kaya mahalaga na maghigpit sa pagbabantay at pag-enforce sa mga vulnerable areas,” ani Viado.
“Industriya na ito na nagreresulta sa pang-aabuso sa kapwa nating Pilipino,” dagdag pa niya.
Hindi ito ang unang beses na nagbigay ng babala ang BI laban sa mga pekleng job offers mula sa mga recruiters sa ibang bansa. Noong December 2023, nagbigay rin ng warning ang BI matapos nilang pauwiin ang 27 Pilipino na ginawang love scammers sa Cambodia, na ang target ay mga matatandang lalaki mula sa United Kingdom.
Katulad ng naunang kaso, dumaan rin ang grupong ito sa backdoor route na nagmula sa Sabah, Malaysia, at ibinenta pa sila ng kanilang mga Chinese employer sa ibang kumpanya bago sila nasagip ng Cambodian police.