
Ang kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap ay nahaharap ngayon sa dalawang kaso ng cyber libel na isinampa sa Muntinlupa Regional Trial Court.
Ang mga kasong ito ay isinampa ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office noong Marso 17 matapos ang isinagawang preliminary investigation kaugnay ng reklamo na inihain ni Vic Sotto.
Ang kontrobersyal na eksena ay mula sa teaser ng pelikulang 'The Rapists of Pepsi Paloma' kung saan makikita si Charito Solis (Gina Alajar) na galit na kinakausap si Pepsi Paloma (Rhed Bustamante) at tinanong ito ng:
"Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?"
Matapos nito, sumagot si Pepsi ng mahaba at madiing:
"Oo."
Lumabas din sa screen ang text na:
"Nagsampa ng kasong rape si Pepsi Paloma laban kay Vic Sotto noong August 17, 1982."

Ayon sa prosekusyon, ang eksena ay itinuturing na mapanirang-puri at may malisyosong intensyon na sirain ang reputasyon ni Vic Sotto.
Dahil dito, inakusahan si Yap ng paglalagay kay Sotto sa sitwasyong maaaring magdala ng kahihiyan, pagkamuhi, o pagkasira ng pangalan.
Ang bawat kaso ay may inirekomendang piyansa na P10,000.
Noong Pebrero, inanunsyo ni Darryl Yap na hindi na matutuloy ang pelikula sa orihinal na premiere date nito noong Pebrero 5. Sa halip, plano nilang ipalabas ito sa mga streaming platforms.