Isang L.A. resident na si Michael Garcia ang nanalo ng $50 milyon matapos magdesisyon ang Los Angeles County jury na responsable ang Starbucks sa mga natamo niyang pinsala dahil sa mainit na inumin na natapon sa kanya.
Ayon kay Garcia, noong 2020, ang tray ng kanyang mga hot tea ay bumagsak habang inaabot ito ng barista sa drive-thru window. Dahil dito, natapon ang mga inumin sa kanyang kandungan at nagdulot ng matinding paso, kabilang na sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Si Garcia ay nagsampa ng reklamo laban sa Starbucks dahil sa negligence. Ipinakita rin niya ang CCTV footage ng tindahan na tila nagpapakita na may isa sa mga Venti-sized drinks na hindi maayos ang pagkakalagay sa tray, dahilan ng pagkakatapon nito.
Noong Biyernes, nagdesisyon ang mga hurado na bayaran si Garcia ng $50 milyon bilang danyos sa kanyang sakit at paghihirap.
Ayon sa Starbucks, plano nilang iapela ang desisyon.
"Nakikiramay kami kay Mr. Garcia, pero hindi kami sumasang-ayon sa naging desisyon ng jury na kami ay may kasalanan sa pangyayaring ito. Naniniwala rin kami na sobra ang halaga ng danyos na ipinag-utos," ani ni Jaci Anderson, Starbucks Director of Corporate Communications.
Ang kasong ito ay kahawig ng nangyari noong 1994 kung saan pinanalo ng isang babaeng taga-Albuquerque ang $3 milyon laban sa McDonald's matapos siyang mapaso sa kanilang mainit na kape.