Inatake ng Israeli military ang iba't ibang bahagi ng Gaza noong Marso 18, kasunod ng kabiguang pahabain ang ceasefire na nagpatigil sa labanan noong Enero. Ayon sa Palestinian health ministry, mahigit 100 katao ang nasawi, kabilang ang maraming bata.
Ang mga pag-atake ay naiulat sa Hilagang Gaza, Gaza City, Deir al-Balah, Khan Younis, at Rafah sa sentral at timog bahagi ng Gaza Strip.
Ayon sa Israeli military, pinuntirya nila ang mga mid-level commanders at iba pang pinuno ng Hamas pati na rin ang mga estruktura ng grupo. Inihayag nilang magpapatuloy ang pag-atake "hanggang kinakailangan."
Samantala, inakusahan ng opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang Hamas ng patuloy na pagtanggi sa pagpapalaya sa mga bihag, sa kabila ng mga mungkahing ibinigay ng US envoy Steve Witkoff.
Ayon sa White House, kinonsulta muna ng Israel ang administrasyong Amerikano bago isinagawa ang mga pag-atake.
Ang pag-uusap sa pagitan ng mga kinatawan ng Israel at Hamas sa Doha ay nabigo, kahit na may mga pagsisikap mula sa mga tagapamagitan mula sa Egypt at Qatar.
Ang Israel, sa tulong ng Estados Unidos, ay nagtulak para sa pagpapalaya sa natitirang mga bihag kapalit ng mas mahabang tigil-putukan na sana'y tatagal hanggang matapos ang Ramadan at ang Passover ng mga Hudyo sa Abril.
Ngunit iginiit ng Hamas na kailangan muna nilang pag-usapan ang isang permanenteng pagtigil ng digmaan at ang pag-atras ng mga sundalong Israeli mula sa Gaza.
Ayon sa mga saksi at Palestinian health officials, ilang gusali sa Gaza City at mga bahay sa Deir Al-Balah ang tinamaan ng mga airstrike.
Ang labanan sa Gaza ay nag-iwan na ng mahigit 48,000 patay, ayon sa mga Palestinian authorities, at halos nawasak na rin ang maraming tahanan at mga pasilidad gaya ng mga ospital.