
Nahuli ang isang 60-anyos na lalaki sa Barangay Western Bicutan, Taguig City noong Miyerkules ng gabi, March 12. Ayon sa Taguig City Police Station, walang trabaho ang suspek na dati nang naaresto sa parehong kaso.
Sinabi ni Police Capt. Jowel Golimlim na nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng tip mula sa isang impormante tungkol sa bentahan ng ilegal na droga.
Nakuha mula sa suspek ang 136.2 grams ng hinihinalang shabu na may halagang P926,160, 21.3 grams ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P2,556, P500 buy-bust money, anim na piraso ng P1,000 boodle money, at isang asul na pouch.
Aminado ang suspek na pagmamay-ari niya ang mga ito pero iginiit na kumikita lang siya ng commission bilang taga-deliver.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Taguig City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagpaalala naman ang PNP sa publiko na iwasan ang paggamit at pagbenta ng ilegal na droga dahil may katapat itong parusa.