Isang Pilipinong marino ang naiulat na nawawala matapos ang banggaan ng isang chemical tanker at container ship sa may northeast coast ng England.
"Base sa ulat ng licensed manning agency, ang able seaman (AB) ay sakay ng MV Solong na bumangga sa Oil Tanker Stena Immaculate sa North Sea noong 10 March 2025 bandang 10 a.m. (UK local time) sa may Humber Estuary, Hull," ayon sa pahayag ng DMW.
Ang Pilipinong marino ay huling nakita sa bow ng MV Solong, kung saan nagkaroon ng malaking pagsabog at sunog matapos ang banggaan.
Samantala, ang iba pang walong Pilipino kasama ang limang Russian crew members ay ligtas na nailigtas mula sa barko.
Ayon sa DMW, kasalukuyang nananatili sa isang hotel sa Grimsby, London ang mga nailigtas na marino at nakatakda silang pauwiin sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Samantala, naiulat ding inaresto ang Russian captain ng MV Solong.
Iniimbestigahan na ng mga UK authorities ang sanhi ng insidente kasabay ng pakikipag-ugnayan sa flag states ng mga sangkot na barko.
Ipinabatid na rin ng manning agency sa pamilya ng nawawalang marino ang sitwasyon at nangako itong magbibigay ng araw-araw na update sa imbestigasyon.
Tiniyak naman ng DMW na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa manning agency at sa pamilya ng nawawalang crew member upang masiguro na lahat ng kailangan nilang tulong at suporta ay maibibigay sa gitna ng mahirap na panahong ito.