Jing Shan, 32, ay naaresto ng Bureau of Immigration dahil sa pagiging overstaying. Nahuli siya nitong Huwebes, March 13, sa harap ng kanyang tirahan sa Brgy. Palanan, Makati City. Ayon sa immigration records, dumating si Jiang sa bansa bilang turista noong May 2023 ngunit nabigong palawigin ang kanyang visa matapos itong mag-expire noong September 2023. Nang mahuli siya, wala siyang maipakitang valid immigration documents kaya agad siyang dinala sa detention facility sa Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportation proceedings.
Ang pag-aresto kay Jiang ay may kaugnayan sa pagkamatay ng isang community cat na si "Ken" sa Ayala Triangle Gardens. Sa isang viral video, makikita si Jiang na sinisipa ang pusang nagpapahinga, na kalaunan ay namatay sa tinamong pinsala. Dahil dito, nagalit ang publiko at marami ang nagpahayag ng kanilang pagkondena sa insidente. May mga ulat din na nagsasabing mayabang si Jiang at tumangging magbigay ng kanyang impormasyon sa mga taong nasa lugar ng insidente.
“Ang mga Pilipino ay kilala sa pagiging hospitable sa ating mga bisita... Pero hindi dapat pumunta sa ating bahay ang mga bisita para saktan ang ating mga alaga,” sabi ni Immigration Commissioner Joel Viado. Dagdag pa niya, dahil sa ginawang kalupitan ni Jiang, nagsagawa ng background check ang BI at natuklasang overstaying ito, kaya siya ngayon ay nakakulong at haharap sa deportation.