Nalulugi ngayon ang mga magsasaka ng kamatis sa Nueva Ecija matapos bumagsak ang presyo ng kamatis sa halagang P3 kada kilo dahil sa oversupply. Sa bayan ng Bongabon, mahigit 100 magsasaka ang kasalukuyang nag-aani ng kamatis mula sa humigit-kumulang 91 ektarya ng lupa, na nagresulta sa sobrang dami ng suplay.
Ayon kay Amelia Camania, isang magsasaka ng kamatis, gumastos siya ng humigit-kumulang P100,000 para sa pagtatanim ng kamatis sa mahigit kalahating ektarya ng lupa. Kailangan niyang ibenta ito ng hindi bababa sa P10 kada kilo para lamang mabawi ang kanyang puhunan. Ngunit bumagsak ang presyo sa P3 kada kilo, kaya’t mahirap na para sa kanya ang kumita para sa kanyang pamilya.
Paliwanag ni Jackielou Gallarde, Municipal Agriculturist ng Bongabon, madalas daw magtanim ng parehong pananim ang mga magsasaka kapag nakita nilang maganda ang kita sa naunang anihan. Dahil dito, sabay-sabay din ang kanilang pag-aani, na nagiging sanhi ng oversupply. Ganito rin ang sitwasyon sa iba pang bayan ng Nueva Ecija, pati na sa mga probinsya ng Nueva Vizcaya, Pangasinan, at Quezon. Sa hangganan ng mga bayan ng Rizal at Bongabon, makikita na may mga tanim na kamatis na nabulok na lamang.