Si Carl Lundstroem, isang Swedish na negosyante at co-founder ng illegal file-sharing site na The Pirate Bay, ay nasawi sa isang plane crash sa Slovenia, ayon sa far-right party na kaanib niya.
Kinumpirma ng Slovenian police noong Miyerkules, Marso 12 sa AFP na may nahanap silang katawan na "malamang ay sa piloto, isang Swedish citizen," pero tumanggi silang kumpirmahin ang pagkakakilanlan hangga't hindi pa tapos ang forensic research.
Ang plane crash ay naganap noong Lunes, Marso 10 sa isang wooden cabin sa lugar ng Velika Planina sa hilagang bahagi ng Slovenia. Dahil sa masamang panahon, naantala ang pag-recover ng katawan hanggang Martes, Marso 11.
Sinabi ng Swedish far-right party na Alternative for Sweden sa isang post na si Lundstroem ay nasawi sa aksidente.
"Lundstroem, isang legend at beterano ng Swedish nationalism, ay pumanaw sa isang plane crash noong Lunes," sabi sa post.
Si Lundstroem, 64 taong gulang, ay nag-take off gamit ang kanyang Mooney M20 na eroplano mula sa Zagreb, Croatia, papunta sana sa Zurich, Switzerland.
Si Lundstroem ay apo ng founder ng Wasabroed, ang pinakamalaking gumagawa ng crispbread sa buong mundo.
Itinatag noong 2003, ang The Pirate Bay ay nagbibigay-daan sa mga user na makaiwas sa copyright fees at magbahagi ng music, pelikula, at iba pang files gamit ang peer-to-peer links na makikita sa site.
Paulit-ulit nang sinubukan ng Sweden na pigilan ang mga aktibidad ng The Pirate Bay.
Ang mga korte sa Sweden ay nagbigay na ng prison sentences at mabibigat na multa kay Lundstroem at sa iba pang mga founder.