
Pinakawalan na nina JENNIE at Dua Lipa ang kanilang pinakahihintay na music video para sa kanilang collab na kantang “Handlebars”.
Ang MV na ito, na idinirek ng BRTHR, ay nagpapakita ng dalawa sa isang glittery web of desire habang parehong inaawit ang kanilang hinanakit sa pag-ibig. Ginamit sa video ang retro-inspired visuals, iba't ibang backdrops, at maximalist editing na nagbigay ng kakaibang vibe at lalim sa mensahe ng kanta. Kitang-kita rin dito ang chemistry nina JENNIE at Dua Lipa, na siguradong ikatutuwa ng kanilang fans.
Ang “Handlebars” ay bahagi ng debut album ni JENNIE na Ruby, kung saan ipinapakita niya ang kanyang versatility sa mga genre tulad ng pop, ballads, reggaeton, hip-hop, at R&B. Sa album na ito, kasama ni JENNIE ang mga bigating pangalan tulad nina Doechii, Dominic Fike, FKJ, Childish Gambino, at Kali Uchis.
Kasama rin sa production team ang mga kilalang producers tulad nina Mike Will Made It, Dem Jointz, Diplo, at marami pang iba na nagbigay-buhay sa mundo ng Ruby.

Ang Ruby ay ang unang studio album ni JENNIE matapos ang kanyang mga solo hit singles na “Solo” at “You & Me”. Sa kabila ng kanyang pagiging abala sa collabs kasama sina ZICO, Matt Champion, at The Weeknd, ang kanyang mga kantang galing sa Ruby ay pumatok sa Billboard Philippines’ Hot 100.