Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang malaking halaga ng peke at ilegal na produkto sa isang warehouse sa Malabon kamakailan. Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, nadiskubre sa operasyon noong Martes ang mga hindi awtorisadong e-cigarettes, pekeng sapatos, bag, at kosmetiko na may halagang umabot sa ₱1.2 bilyon.
Bukod sa mga ito, natagpuan din sa bodega ang mga appliances, damit, at iba pang gamit sa bahay.
Nagbabala si Rubio sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga pekeng produkto, lalo na ang mga e-cigarette at kosmetiko na maaaring makapinsala sa kalusugan.
Ayon naman kay Verne Enciso, pinuno ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sinimulan ang operasyon matapos makatanggap ng ulat. Matapos makuha ang Letter of Authority (LOA) mula sa commissioner, isinagawa ang raid sa isang warehouse sa Barangay Tanong, Malabon.
Sa imbentaryo, natagpuan ang mga e-cigarette na may tatak na "Kylinbar" na walang BIR at DTI certification. Kasama rin sa mga nasabat ang mga pekeng produkto ng mga kilalang tatak tulad ng Nike, New Balance, Adidas, Apple AirPods, at mga pekeng Louis Vuitton at Gucci bags.
Ang mga nasabat na produkto ay isinailalim na sa masusing imbestigasyon at maaaring mauwi sa kasong legal laban sa mga responsable.