
Ibinasura ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) ang kasong panggagahasa laban kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at dalawa pang kasama matapos na hindi dumalo sa pagdinig ang nagreklamo.
Sa utos na inilabas noong Pebrero 25 pero isinapubliko lamang nitong Linggo, inatasan ni Judge Rowena Violago Alejandria ng RTC Branch 121 ang agarang pagpapalaya kay Roque.
Ayon sa korte, dalawang beses nang hindi dumalo sa pagdinig ang nagrereklamo sa kabila ng subpoena na ipinadala sa kanya. Sa tala ng subpoena, lumabas na ang address ng nagrereklamo ay “hindi matukoy.”
Ayon sa kampo ni Roque, naglabas na rin ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) noong Enero 22 kung saan binanggit ang mga inconsistencies na nagdulot ng pagdududa sa kredibilidad ng reklamo.
Dagdag pa rito, ibinasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya at ilang seryosong hindi pagkakatugma sa mga detalye. Napansin din na ang address ng nagrereklamo ay mali at ang medico-legal certificate ay kahina-hinala at posibleng peke.
Patuloy na iginiit ng kampo ni Roque na ang kaso ay “politically motivated” at sinabing ito ay isang pag-atake sa kanyang pangalan at reputasyon.