Ayon sa video na kuha ng isang concerned citizen, makikitang hindi tumitigil sa pag-iyak ang bata habang karga siya ng suspek. Maya-maya ay makikita sa video na pinagsusuntok na ng lalaki ang bata.
Kita rin sa CCTV footage na tila inihagis pa ng suspek ang bata sa loob ng isang tricycle.
Sa isinagawang follow-up operation, nahuli ang suspek sa kanyang bahay sa Bgy. 107, Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ng Moriones Tondo Police Station, nagsimula umano ang insidente sa away ng mag-asawa. Dahil sa galit, pinagbuntunan umano ng suspek ang kanyang anak.
Aminado ang suspek na siya ay nakainom nang mangyari ang insidente.
“Palo lang sa puwet, pero sa sobrang inis ko pati sa mukha na-ano ko na,” sabi ng suspek. “Sorry, anak. Hindi ko na uulitin.”
Nasa pangangalaga na ngayon ng kanyang tiyahin ang bata na nagtamo ng mga pasa sa mukha.
Ayon sa tiyahin ng bata:
“Masakit po para sa akin. Bata pa ‘yan, wala namang kasalanan. Dapat mahalin mo at alagaan, hindi dapat sinasaktan.”
Kasong paglabag sa R.A. 7610 o Child Abuse Law ang haharapin ng suspek na ngayon ay nakakulong sa Moriones Tondo Police Station. Nakatakda rin siyang sumailalim sa drug test.