Maaaring agad na ilipat patungong Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong maaresto ng International Police Organization (Interpol) kahapon ng umaga pagkalapag niya sa NAIA Terminal 3 mula Hong Kong.
Ayon kay Kristina Conti, Assistant to Counsel ng ICC, sinumang inaresto sa ilalim ng ICC warrant ay dapat dalhin sa Hague sa lalong madaling panahon.
Pahayag ni Conti:
“Ang isang taong naaresto sa bisa ng ICC warrant ay dapat agad na ilipad papuntang Hague, Netherlands.”
Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na wala pang natatanggap na direktiba ang Philippine Embassy sa Hague kaugnay sa pagdadala kay Duterte roon dahil sa kanyang kasong crimes against humanity.
Pahayag ni Manalo:
“Kailangan nating hintayin kung paano lilitaw ang mga susunod na hakbang.”
Hindi rin nagbigay ng komento si Manalo tungkol sa magiging papel ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isyu, ngunit binanggit niyang wala nang komunikasyon sa pagitan ng kanilang ahensya at ng ICC simula nang umatras ang Pilipinas sa Rome Statute.
Ayon naman kay Human Rights Lawyer Neri Colmenares, may tatlong posibleng lugar kung saan maaaring makulong si Duterte kapag siya ay inilabas ng bansa:
- Kustodiya ng ICC
- Sa isang third-party na bansa
- Direkta sa Hague mismo
Paliwanag ni Colmenares:
“Nasa kapangyarihan ng ICC kung saan siya idedetine. Depende sa kanila kung saan siya dadalhin.”